Sa pangatlong subok, nakuha din ng Magnolia ang unang panalo sa PBA Commissioner’s Cup, ang 98-88 victory kontra NLEX noong Biyernes – parehong araw na tinagay ng San Miguel Beer ang unang ‘W’ 127-106 laban sa Blackwater.
Babalik ng Smart Araneta Coliseum ang Hotshots at Beermen para sundan ang mga panalo.
Toka ng Magnolia ang 1-3 Columbian, babanggain ng SMB ang Ginebra sa rematch ng nakaraang taong finals na pinagwagian ng Gins sa anim na laro.
Kiniliti ni coach Chito Victolero ang kanyang Hotshots na para makuha ang panalo ay kailangang ibalik ang dating nakakasakal na depensa.
Rumesponde ang Hotshots, sa pangunguna ni import James Farr na nagsumite ng 24 points at 21 rebounds sa kanyang pangalawang laro. Umayuda ng 21 points at 7 rebounds si Ian Sangalang, pinagsamang 21 points din kina Paul Lee at Jio Jalalon.
Mapapalaban ang Magnolia sa Columbian Dyip na matagal-tagal nakapahinga at may bagong import na ipaparada kay Lester Prosper kapalit ni Kyle Barone.
Dalawang linggong ginamay ni Prosper, 30-anyos na tubong Dominican Republic, ang sistema ni coach Johnedel Cardel. Kilalang shotblocker ang kaliweteng si Prosper. (Vladi Eduarte)