Para kay CJ Perez, tapos na ang karibalan nila ni Robert Bolick pagsampa ng dalawa sa PBA.
Kung anuman ang namuong head-to-head rivalry noong college days nila sa NCAA, iniwan na nila. Tapon na sa bintana.
Dalawang beses silang nagtagpo sa NCAA Finals, dalawang beses ding ibinaon ni Bolick at ng San Beda si Perez at ang Lyceum.
Hanggang sa D-League at PCCL, nagtatapatan sila.
Sa PBA Draft noong isang buwan, top pick overall ng Columbian Dyip ang dating kamador ng Pirates na si Perez.
Pagkatapos ni Ray-Ray Parks sa Blackwater, tinapik ng NorthPort sa No. 3 ang dating hari ng Red Lions na si Bolick.
Sa debut game, pasabog si Bolick ng 26 points nang giyahan ang Batang Pier sa 117-91 win kontra Elite noong Jan.
16. Makalipas ang dalawang araw, pinantayan ni Perez ang produksiyon sa una rin niyang laro nang sorpresahin ng Dyip ang San Miguel 124-118.
Nitong Biyernes sa PBA Philippine Cup, sa unang pagkakataon sa pros ay nagkrus ang landas nila sa Ynares Center sa Antipolo.
Nagsumite si Perez ng 12 points mula sa 4 of 12 shooting, may 7 rebounds para tulungan ang Columbian sa 110-100 panalo. Si Bolick, 1 of 7 mula sa floor at may 3 points lang – lahat sa bukana ng first quarter.
“Wala naman kasi ‘yung rivalry, PBA na ‘to,” pag-iwas ni Perez nang tanungin ng sportswriters pagkatapos pantayan ng Dyip ang NorthPort sa 2-1 card.
“Wala sa isip ko ‘yun. Para sa team, para sa management and para sa coaches.”
Babalik ng Smart Araneta Coliseum si Perez at ang Dyip ngayon para harapin sa first game ang 0-3 NLEX.