Isa si Octavius Ellis sa mga bagong saltang imports na ipaparada sa PBA Commissioner’s Cup, pero kahit kararating lang nito ay kuntento na si Alaska coach Alex Compton sa kanyang reinforcement.
“He’s 6-9, long, runs the floor well, blocks shots, rebounds well,” ani Compton hinggil kay Ellis na dumating sa bansa noon lang Huwebes ng gabi. “He’s an Alaska-type of player. Kumbaga, bagay siya sa sistema namin.”
Matatasahan si Ellis laban sa GlobalPort sa Sabado sa Astrodome. Ngayon ang inaasahang dating ng import ng Batang Pier na si Sean Williams.
Interesante kay Compton kung paanong magtapat ang mga bagong imports.
“There are a lot of teams whose imports came in late and it would be interesting to see how they adjust,” dagdag ng Aces coach. “Napakalaki kasi ng puwesto ng import sa laro so it’s a real challenge for us. But as in the past, you never know what you’re gonna get.”
Hindi lang si Ellis, dating Cincinnati Bearcat na undrafted sa NBA draft noong isang taon, ang bagong import sa PBA midseason tourney.
Debutante rin sina Alex Stephenson ng Meralco, Charles Rhodes ng San Miguel Beer, Tony Mitchell ng Star Hotshots, Greg Smith ng Blackwater at si Williams.
Gusto ni Compton na ibalik si Rob Dozier, pero naglalaro pa ang dating Best Import sa Japan. Hinatid ni Dozier ang Aces sa runner-up finish sa likod ng Rain or Shine sa parehong torneo noong nakaraang taon.