Walang pinalusot ang De La Salle sa nine matches, huli ang 3-1 paggapi sa University of Santo Tomas, para idagdag ang titulo ng UAAP Season 79 women’s football sa unang walong koleksiyon.
Pitong seasons ding na-deny sa korona ang Lady Archers, ngayong nakabawi ay dumagdag sa selebrasyon sa Taft kasunod ng back-to-back conquest ng Lady Spikers sa women’s volleyball laban sa mahigpit na karibal na Ateneo noong Sabado.
“It’s surreal,” bulalas ni Inna Palacios, sa huling pagkakataon ay binantayan ang goal para sa La Salle. “Grabe, all the hard work, I can’t even put into words. I’m so happy, I’m so proud of everyone.”
Sa Rizal Memorial Stadium nitong Linggo ng gabi, na-foul sa loob ng box si Chelo Hodges sa stoppage time. Sa bihirang pagkakataon na sisipa ang goalkeeper ng penalty, pumagitna si Palacios at naikonekta ang spot kick na nagselyo sa panalo ng Lady Archers.
Matapos ang scoreless first half, ibinaon ni Kyra Dimaandal ang 11th goal niya sa season sa 57th minute para ilagay sa unahan ang La Salle.
Makalipas ang 16 minutes ay tumabla ang Tigresses sa goal ni Hazel Lustan, pero nasa manibela ulit ang Lady Archers nang humalik sa net ang sipa ni Sara Castañeda mula sa pasa ni Irish Navaja.