Naitakas ng Creamline ang mahirap na 25-16, 9-25, 17-25, 25-13, 15-13 panalo kontra Perlas kahapon sa simula ng single-round robin quarterfinals ng 2017 Premier Volleyball League sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Matapos manalo sa first set, parang binangungot ang Cool Smashers sa second frame matapos umiskor lang ng siyam na puntos at inalat hanggang set three.
Nahimasmasan sa fourth frame ang Creamline, tinambakan naman nila ang Spikers.
Sa fifth set nagtulungan sina Alyssa Valdez, Thai import Kuttika Kaewpin at American reinforcement Laura Schaudt para makauna ng 7-3.
Naitabla ng Perlas ang iskor sa 13-all bago hinataw ng Cool Smashers ang dalawang panelyong puntos.
Sa first game, tinalo ng defending champion Pocari Sweat ang Air Force sa five sets din 21-25, 25-23, 19-25, 25-14, 15-10.