Permanenteng cellphone number aprub sa Senado

cellphone

Lusot na sa Senado ang panukala para sa pagpapanatili ng cellphone number sa isang subscriber kahit lumipat sa ibang network.
 
Sa botong 20-0, inaprubahan sa 3rd and final reading ang Se­nate Bill No. 1636, o ang proposed  ‘The Lifetime Cellphone Number Act’ ni Senador Sherwin Gatchalian.
 
Alinsunod sa panukala, mandato ng telecommunications companies na magbigay ng mobile number portability o ang numero na mananatili sa owner kahit magpalipat-lipat ng network.
 
Ang hindi susunod ay magmumulta ng P1 milyon o posibleng matanggalan ng ope­rating franchises.
 
Pasok din sa inap­rubahang panukala ang amendment ni Senador Panfilo Lacson na nagsusulong na alisin na ang interconnectivity fees ng mga kompanya.
 
Naniniwala si  Sen. Gatchalian na sa pamamagitan nito mababawasan ang pagtitiis ng mga consumer sa hindi magandang serbisyo ng kanyang network dahil ayaw nitong mapalitan ang numero.
 
“The bill would free them from such shackles and allow them to transfer to the telecommunications entity that offers the best customer service, network cove­rage and quality of service,” paliwanag ni Sen. Ga­tchalian.