Pinawawalang-bisa ng isang konsehal sa Maynila ang building permit na inisyu sa isang condominium project ng Federal Land, Inc. (FLI) dahil sa awayan sa lupa sa isa pang developer.

Sinabi ni 3rd District Councilor Manuel Zarcal, nais lang niyang pangalagaan ang interes ng publiko nang isumite niya ang kanyang resolusyon na nag-aatas sa Office of the City Engineer na bawiin ang Building Permit at Zoning Permit na inisyu nito sa Four Seasons Riviera Condominiums noong 2010.

Binanggit ni Zarcal ang desisyon ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) noong Hulyo 26 kung saan sinuspinde nito ang License to Sell ng FLI at Central Realty and Development Corp. habang dinidinig pa ang civil case na sinampa ng kalaban nitong Solar Resources Inc. sa Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 6.

Pinaglalaban ng Solar na sila ang tunay na may-ari ng 7,350-square meter na lupa sa kanto ng Muelle Dela Industria at Prensa & Numancia Streets sa Binondo kung saan tinatayo ang apat na tower ng 30-palapag na Four Seasons Riviera Condominiums.

Ayon kay Zarcal, maiipit ang mga condominium buyers kung hahayaan ang FLI at Central Realty na ituloy ang pagbebenta nito ng mga unit habang nasa korte pa ang kaso.