Pernia aminadong palyado sa pagbibigay ng ayuda

Inamin ni Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na mabagal ang pagbibigay ng ayuda sa 18 milyong pamilya na tinukoy na tatanggap ng social amelioration program ng pamahalaan na nasa P200 bilyon ang budget.

Sabi ni Pernia sa panayam sa CNN Philippines na nandiyan ang pera ngunit hirap lang sa pagpapamahagi nito.

“Funds are there, it’s really just the distribution–the logistical nightmare of distributing the funds which is taking quite sometime,” sabi ni Pernia.

Aniya, aabot sa 90 milyong Pilipino ang makikinabang sa social amelioration program base sa pananaw na may limang tao sa bawat pamilya. Dagdag pa niya, kasama na rito ang tinatawag na middle class.

Ang social amelioration program ay dapat sapat sa dalawang buwang pangangailangan ng mga walang trabaho at walang mapagkakitaan dahil sa Covid pandemic.

Aniya, malaking tulong sana ang National ID na inumpisahan ang pilot testing noong October 2019 kung naipatupad na ito gayong 2018 pa naipasa ang batas. (Eileen Mencias)