Matinding banta ang binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nagtatagong suspected bigtime druglord sa Visayas na si Peter Lim.
Sa talumpati ng Pangulo Biyernes nang gabi sa campaign rally ng PDP-Laban sa Victorias City, Negros Occidental sinabi nitong papatayin niya si Lim sa sandaling makita niya ito.
Inilahad ng Pangulo ang matinding problema ng iligal na droga sa bansa hanggang sa mabanggit niya si Peter Lim na hanggang ngayon ay hinahanap ng mga awtoridad.
Ayon sa Presidente, hindi talaga mahanap ang suspected supplier ng shabu dahil marami itong bahay sa labas ng Pilipinas.
May bahay aniya si Lim sa Canada, Bahamas Island at sa Hong Kong.
Pero hindi aniya papakasiguro si Lim dahil kapag nakita siya ng Pangulo ay papatayin niya ito.
Sinabi pa ng Presidente na handa siyang makulong kapag napatay ang suspected drug lord.
“Itong Peter Lim na ito may bahay sa Canada, may bahay sa Bahamas, may bahay sa Hong Kong. Peter Lim ‘pag nakita kita, papatayin kita!. Kahit makulong ako,” anang Pangulo.
Kasabay nito nilinaw ng Presidente na ang binabanggit nitong 1.6 milyong drug addict surrenderees ay sa Metro Manila lamang at hindi kasali ang mga nasa Cebu, Davao, Iloilo at iba pang lungsod sa bansa.
Umaabot na aniya ngayon sa pitong milyon ang bilang ng mga drug addict sa buong bansa na maituturing ng inutil dahil natuyo na ang mga utak.