Isinumite na ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa Commission on Elections (COMELEC) nitong Biyernes ang kaniyang petisyon hinggil sa disqualification case sa 2019 senatorial bid na inihain laban sa kaniya ng abugadong si Ferdinand Topacio.
Ayon kay Pimentel, walang basehan ang disqualification case na inihain laban sa kaniya.
“Asking that I be disqualified and that my name will no longer appear in the ballot is most unfair and has no legal basis,” saad ni Pimentel.
Sa kaniyang petisyon, kinukwestiyon nito ang pinaninindigan ni Topacio na nagamit na nito ang kaniyang unang termino sa Senado noong taong 2007- 2013 at ang ikalawang termino ni Pimentel ay dapat na matapos at makumpleto sa taong 2019 kaya hindi na ito kwalipikadong tumakbo pang muli sa pagka-senador.
Bukod sa inihain ni Topacio ay isang disqualification case rin ang isinumite ni dating congressman Glenn Chong.
Bagaman dalawang disqualification case na ang nakahain laban kay Pimentel, tiwala pa rin ang senador na papabor ang desisyon sa kanya ng Comelec.
“Damihan pa nila [‘yung disqualification cases] kasi hindi naman kami nag-aalala, bale i mean alam namin yung sagot eh,” sambit nito.
“Kahit gawin nilang sampu yan o dalawampu, wala pong epekto kasi the law is settled, it’s very clear,” dagdag nito.