Naniniwala ang isang senador na mababasura lang ng Supreme Court (SC) ang inihaing petisyon laban sa idineklarang Martial Law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Umaasa kasi si Sen. Sonny Angara na babawiin na ni Pangulong Duterte ang Martial Law sa Mindanao oras na manumbalik na ang kaayusan sa Marawi City dulot ng ginawang pag-atake ng teroristang Maute Group.

“Baka ang mangyari diyan ay i-lift na ‘yung Martial Law, maging moot and academic ‘yung petition,” ani Angara.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na maaaring matapos na sa loob ng tatlong araw ay bakbakan ng militar at Maute Group sa Marawi City.

Isa rin si Angara sa bumoto laban sa Senate Resolution No. 390 upang hingin ang joint session ng Kongreso upang talakayin ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay Angara, mas makabubuti na ring pag-usapan sa Supreme Court ang constitutionality ng idineklarang Martial Law sa Mindanao upang sa gayon ay magkaroon ng karagdagang jurisprudence sa usaping ito.

“Maganda rin na pag-usapan para makita talaga ‘yung… dahil madagdagan ‘yung jurisprudence diyan sa Martial Law dahil ilang kaso pa lang ang na-decide mula noong naipasa ‘yung 1987 Constitution. So dagdag iyan sa jurisprudence,” ayon sa senador.