Mahigit anim na buwan bago isagawa ang 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan, may dalawang kabataang atleta na ang bansa na nag-qualify sa quadrennial sportsfest. Yulo ng gymnastics at Obiena ng athletics.
Ang dalawa na kapwa nasa kaagahan ng edad pa lang na 20- anyos – sina reigning Universiade/Asian Championships pole vault gold medalist Ernest John Obiena at World Artistic Gymnastics Championships floor exercise gold winner Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo, na kapwa nakamedalyang ginto rin sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 sa nakalipas na buwan.
Kinakitaan din ang karamihang national athlete na umabot sa 1,400 ng kanilang husay upang makapag-ambag ng medalya o kahit na ang mga ‘di nakamedalya na malaki ang posibilidad na makasama sa pangunahing 20 atleta na makakapagtala ng magandang kampanya sa taong 2020.
Chicano at Mangrobang sa triathlon
‘Di makakalimutan ng bansa ang ipinakitang tibay nina John Leerams ‘Rambo’ Chicano na iniuwi ang gintong sa men’s triathlon ng 30th SEA Games na sinundan ni Marion Kim Mangrobang sa women’s triathlon. Ang triathlon ay isang medal sport sa Olympics.
Belgira at Farr sa cycling
Pumadyak naman sina Lea Denise Belgira at John Derrick Farr ng SEAG gold sa women’s at men’s mountain bike downhill sa bagong kasaysayan sa cycling ng bansa na pagsungkit sa kambal na tagumpay sa MTB racing.
Marly Martir sa shooting
Walang nakakakilala pero nagpakita ng kanyang husay si Marly Martir sa dalawang ginto sa individual at team women’s SEAG precision pistol shooting upang makabilang sa aabangan na mga paangat na batang atleta ng bansa.
Kristel Macrohon sa weightlifting
Tuluyang nalampasan ni Kristel Macrohon ng Zamboanga City ang matagal na panahong kabiguan sa weightlifting sa women’s 71 kgs ng 11-nation, 12-day biennial meet upang sundan ang yapak ng kanyang kababayang si Hidilyn Diaz na umasam din na makapag-Olympics.
James Deiparine sa swimming
Nagtala si James Deiparine ng bagong national record sa sa gold sa men’s 100m breaststroke event sa palaigsahan nitong Nobyembre 30-Disyembre 11 upang makasungkit pa ng Olympic Qualifying Standard B na naghanay sa kanya para sa posibleng tsansa na makasali sa Olympics.
Nakano at Watanabe sa judo
Pinatunayan din nina Shugen Nakano na nagwagi sa men’s judo 66kgs at Kiyomi Watanabe sa women’s judo 63kgs ang kanilang kakayahan upang mabigyan ng tsansa sa mga nakatakdang Olympic qualifying event.
Pagdanganan sa golf
Isa sa dalawang inaasahan ng bansa na makakapagtala ng malaking sorpresa si Bianca Pagdanganan na nanalo sa women’s gold individual sa SEAG upang patibayin ang tsansa sa Olympics. Ang isa ay si Yuka Saso na kasalukuyan nang naglalaro sa mga Olympic qualifying event.
Tsukii at Lim sa karate
Dalawang karateka ang nagtala nang maiigting na panalo sa nakalipas na SEA Games – sina Junna Tsukii na wagi sa women’s individual kumite 55kgs at ang anak ni ‘The Skywalker’ Samboy Lim na si Jamie Lim sa women’s individual kumite 61kgs para mabigyan din ng tsansa sa Olympics.
Ninobla, Domingurez at Lopez sa taekwondo
Nagsipanalo sina Jocel Ninobla sa women’s individual poomsae, Jeordan Dominguez sa men’s freestyle poomsae at Asian Games veteran Pauline Louise Lopez sa women’s kyorugi 57kgs ng taekwondo upang kilalanin ang kakayahan na maaring makahabol pa sa 2020 Summer Games.
Knott at Morrison sa athletics
‘Di malilimutan ang ginto ni sprinter Kristina Knott sa new record time sa women’s 200m dash, gayundin si William Morrison III sa men’s shot put upang makasama sa posibleng mangungunang atleta sa bansa sa pagsikad sa taong ito.
Means at Didal sa skateboarding
Nararapat ding bigyan pansin ang mga women skateboarder na sina Christiana Means na bumida sa women’s park event at Margilyn Didal sa women’s street upang kapwa magkatsansa binyag ng skateboarding sa Olympics.
Marcial sa boxing
‘Di maitatago ang masidhing hangarin tapos mabigo sa kanyang unang pagkakataon mag-qualify sa Olympics ni Eumir Felix Marcial sa men’s middleweight ng boxing. Pinagpatuloy ang sunod-sunod na medalya na ang pinakahuli ay sa SEA Games.
Marami pang mga national athlete ang nararapat mapabilang sa inaasahang magsisipagtala ng tagumpay sa pagpasok ng panibago ring dekada sa pangunguna ng 23 ito na mga umaasam bumitbit sa bandila ng bansa sa mga international competition. (Lito Oredo)