Niemer, Bell walang sawa
Nasilo ng reigning champion Petron Blaze Spikers ang pang-10 sunod na panalo matapos pagpagin ang PLDT Home Fibr 25-18, 25-21, 25-14 kagabi sa Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Humugot ng lakas ang Blaze Spikers sa kanilang mga import na sina Stephanie Niemer at Katherine Bell upang manatiling malinis ang karta sa 10 laro at palakasin ang kapit sa tuktok ng team standings.
Kumana si Niemer ng 21 points mula sa 16 kills at limang service aces kasama ang siyam na digs at anim na excellent receptions para sa Petron habang tumipa si Bell ng 19 markers.
Nakatuwang nina Niemer at Bell si All-Filipino Conference Most Valuable Player Rhea Dimaculangan na naghain ng 31 excellent sets at tatlong puntos.
Nirehistro ni reinforcement Kendra Dahlke ang 16 pts. habang walong puntos lang ang inambag ni Grace Lazard para sa Power Hitters na nalasap ang panlimang talo sa 11 laro.
Nanatiling nasa pangatlong puwesto ang PLDT sa event na suportado ng Asics, Mueller, Mikasa, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project. (Elech Dawa)