Mga laro bukas:
(PhilSport Arena)
12:30 p.m. — Generika vs Cignal
3:00 p.m. — RC Cola vs Foton

Tumatag ang kapit ng Petron sa No. 1 spot matapos pilayin pa ang sumasadsad na Cignal, 25-18, 25-20, 25-17 kagabi sa Philippine Super Liga Grand Prix sa The Arena.

Muling inakay ni American import Stepha­nie Niemer ang Tri-Activ Spikers, na umangat sa 8-1 win-loss card.

Habang sa ikatlong sunod na laro ay hindi nakasalang si Cignal import Lynda Morales at walang nagawa kun’di panoorin na lamang ang mga kasama na lumasap ng sixth loss sa pitong laro.

Dumeretso naman ang F2 Logistics sa three-game winning streak nang talunin ang Generika, 25-17, 25-27, 25-19, 25-14.

Nagtulungan sa opensa sina import Hayley Spelman at local netter Ara Galang, kumana sila ng tig-15 puntos upang palakasin ang pagkapit ng Cargo Movers­ sa tersero puwesto ng team standings pasan ang 6-3 karta.

Dahil sa panalo lumapit ang F2 Logistics sa outright semifinal slot at sa defending champion Foton na nasa second spot tangan ang 6-1 card.

Nasingitan ang Cargo­ Movers ng Lifesavers sa set 2 at ayon kay F2 Logistics coach Ramil de Jesus ay nakaramdam ng pagod ang kanyang mga bataan dahil sa su­nud-sunod ang kanilang laro.

“Marami pang laro, push lang kami sa training para maitama namin ‘yung mga mali,” saad ni Galang.

Nag-ambag din si Sydney Kemper ng 13 markers para sa F2 Logistics.

Bumira ng double-digit outputs sina Polina­ Liutikova, Darlene ­Ramdin at Shaya Adorador matapos ilista ang 15, 11 at 10 markers ayon sa pagkakasunod pero hindi pa rin sumapat para ilista ang unang panalo ng Generika.

Nalasap ng ­Lifesavers ang siyam na sunod na ­kabiguan.