Natalo sa Iran, 78-70, sa second game ng fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers ang Pilipinas, pero hindi ibig sabihin ay napagsarhan na ang Filipinos ng pinto sa China.

May pag-asa pa, bagama’t maliit na lang.

Pero mas maganda na ang meron kahit gaano kasikip kumpara sa walang-wala.

Hindi na nga lang sa kamay – at puso – ng Filipinos nakasalalay nang buo ang kapalaran. Kailangan ng kaunting suwerte.

Bitbit ang 5-5 win-loss card, tatapusin ng Pilipinas ang kampanya sa eliminator sa pagdayo sa Qatar at Kazakhstan sa final window ng FIBAWCAQ sa susunod na taon. Unang haharapin ng Nationals ang Qataris sa Peb. 21, bago ang Kazakhs sa Peb. 24.

Sinorpresa ng Kazakhstan ang Pilipinas, 92-88, noong Biyernes sa MOA Arena din.

Nalaglag na sa fourth spot ng Group F ang Pilipinas, sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3), at solo-third na Japan (6-4).
Top 3 ng Groups F at E, kasama ang best-placed No. 4 team ng dalawang grupo, ang bibiyahe sa World Cup.

Kapag winalis ng Pilipinas ang dalawang hu­ling asignatura ay matatapos ang kampanya sa 7-5. Babalik sa No. 3 ang Filipinos kapag natalo ang Japan sa isa sa hu­ling dalawang laro din. Dalawang beses tinalo ng Pilipinas ang Japan sa first window ng qualifiers kaya mas mataas ang quotient ng Filipinos.

May isa pang paraan para sa Filipinos.

Bilang host ng 2019 World Cup, sigurado na ang China sa isang slot. Nasa third place ng Group E ang Dragons sa 6-4, sa likod ng New Zealand (9-1) at Korea (8-2).

Kapag nasadlak ang China sa Top 4 ng Group E pagkatapos ng qualifiers, ibibigay ng FIBA ang slot sa dalawang No. 4 squads ng Groups F at E.
Masalimuot, pero abang-abang lang.