Ni Janiel Abby Toralba
Puno ng aksyon ang Philippine volleyball sa papatapos nang taong 2019.
Kahit ‘di makinang pagdating sa international play ang iba’t ibang national teams, masigla pa rin ang sport sa antas ng commercial at collegiate.
Tampok siyempre rito ang katatapos na 30th Southeast Games PH 2019, tunay na napabilib ang lahat sa naging tagumpay ng mga manlalaro ng bansa.
Kinapos man sa medalyang ginto, pasabog rin sa kabuuan ang naging performance ng national men’s indoor volleyball squad sa SEA Games.
Pagkaan ng 42 years na paghihintay, nakasampang muli ang PH 6 sa podium sa historic silver medal finish sa likod ng 3-2 win-loss record, tampok ang five-set upset win sa semifinals kontra sa dating four-time champion Thailand.
Kabilang sa national squad sina Bryan Bagunas, Marck Espejo, Joshua Umandal, Joshua Retamar, Francis Saura, Kim Malabunga, Rex Intal, Mark Gil Alfafara, John Vic de Guzman, Alnakhran Abdilla, Jack Kalingking, Ish Polvorosa, Jessie Lopez, at Ricky Marcos sa paggabay ni coach Dante Alinsunurin.
Dinuplika ng Nationals ang 1977 best finish ng bansa sa 11-nation, 12-day beinnial sportsfest sa harapan nang masigabong suporta ng mga kababayang manonood.
Ang tagpo ang tumakip sa pangangamote ng women’s counterpart nila sa SEAG nito lang Nobyembre 30-Disyembre 11 sa kabila na nag-training camp pa sa Japan.
Nabuo sa team sina Alyssa Valdez, Abigail Marano, Kath Arado, Dawn Macandili, Ces Molina, Mylene Paat, Aiza Maizo-Pontillas, Ejiya Laure, Mary Joy Baron, Jia Morado, Mika Reyes, Jovelyn Gonzaga, Maddie Madayag, at Rhea Dimaculangan sa pagtimon ni coach Ceasael ‘Shaq’ delos Santos.
Sa 7th Philippine Superliga, dalawang team ang nagpagkita ng gilas.
Nagreyna ang Petron Blaze Spikers sa Grand Prix nitong Pebrero 16-Mayo 4, pero winalis naman ng F2 Logistics Cargo Movers ang kampeonato sa All-Filipino (Hunyo 15-Agosto 27) at Invitational (Setyembre 25-Oktubre 17) Conferences .
Hati-hati naman sa korona ng 3rd Premier Volleyball League ang PetroGazz (Reinforced, May 26-July 14), Adamson Lady Falcons (Collegiate, Aug. 17-Oct. 12), at
Creamline (Open, Aug. 9-November 11).
Sa 94th National Collegiate Athletic Association men’s division nitong Pebrero, naka-back-to-back title ang Perpetual Help Altas laban sa Benilde Blazers.
Sa women’s side, naka-three-peat naman Arellano Lady Chiefs sa paghakbang sa Perpetual Help Lady Altas.
At sa 81st Universuty Athletic Association of the Philippines Marso, nbakipkip pa rin ng NU Bulldogs ang titulo laban sa FEU Tamaraws sa finals, habang ang Ateneo Lady Eagles ang umupo sa trono ng kababaihan laban sa Sto. Tomas Golden Tigresses.
Para sa taong 2020, asahan ang mas mainit pang mga paluan sa sport sa paggabay at pagkakaroon na sana ng pangil ng Larong Volleyball sa Pilipinas.