PH Consulate: 40 Pinoy namatay sa COVID sa UAE

Inilahad ng Philippine Consulate General (PCG) sa Dubai na halos 40 mga Pilipino sa United Arab Emirates (UAE) ang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Noong nakaraang linggo halos kuwarenta na rin ang mga kababayan natin ang nasawi sa COVID-19,” pag-uulat ni Consul General Paul Raymund Cortes sa ginanap na Laging Handa briefing Biyernes ng tanghali.

Sakop ng PCG sa Dubai ang mga emirate ng nasabing lungsod, Sharjah, Ras Al Kahima, Ajman, Umm Al Qwain, at Fujairah.

Tiniyak naman ni Cortes na laging nakahanda ang PCG na magbigay ng kinakailangang tulong para sa mga Pilipino doon.

Base sa huling datos ng World Health Organization (WHO) noong Mayo 28, Huwebes, mayroong 31,969 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa UAE.

Ibinalita rin ni Cortes na niluwagan na rin ang galaw ng mga tao sa buong UAE subalit may ilang Pilipino na hindi pa bumabalik sa kanilang mga trabaho. (PNA)