Sumisingasing na nagsimula ang Phoenix, nag-relax sa second quarter bago rumatsada ulit sa third para ipagpag ang Magnolia, 95-82, sa Smart Araneta Coliseum Linggo ng gabi.

Tuloy ang angat ng Fuel Masters, sumakay sa 36 points, 20 rebounds at 4 blocks ni Eugene Phelps para sumampa sa 5-1 card sa PBA Go­vernors’ Cup.

“Finally we beat one of the… for me kasi, one of the best especially on defense ‘yang Magnolia,” wika ni coach Louie Alas. “And we’re able to put the clamp on their offensive guys especially in the third quarter.”

Sa 11 points ni Phelps sa first ay umagwat ang Phoenix, 30-19, pero kumana rin ng 11 sa second ang counterpart niya sa kabila na si Romeo Travis para ibuhol ang Hotshots, 48-48, sa break.

Sa third, hindi nakaporma sa pambubulabog ng Fuel Masters si Travis at dalawa sa walong bitaw sa field lang ang naipasok.

Angat ang Phoenix, 71-67, pagkatapos ng three, bago kumalas ulit sa kalagitnaan ng fourth para ipreserba ang panalo.

Umayuda ng 13 points, 5 rebounds at 4 assists si Matthew Wright sa Fuel Masters, may 12 points at 8 rebounds si Justin Chua.

Umariba ang Phoenix sa loob, nangolekta ng 48 points sa paint kum­para sa 20 ng Magnolia.

Tumapos ng 28 points, 19 rebounds si Travis, may tig-11 sina Jio Jalalon, Ian Sa­ngalang at Mark Barroca sa Magnolia na nalaglag sa 2-1.
Ang isang kamador ng Hotshots na si Paul Lee ay nalimitahan sa 8 points sa 3-of-13 shooting, isa lang sa siyam na bitaw ang naipasok ni Justin Melton.