Inireklamo ng 3 tri­bal leader ng iba’t ibang Indigenous community sa Luzon ang Philex Mining na pag-aari ni Manny V. Pangilinan na bukod sa kawalan ng certification of precondition para legal na makapag-operate ay hindi rin umano nagbabayad ng 1% royalty fee sa mga IP simula noong 1955 nang sakupin nito ang kanilang mga ancestral land.

Sa 15-pahinang reklamo na ipinadala kay Department of Environment and Natural Resouces (DENR) Secretary Roy Cimatu, Bureau of Mines and Geo-Sciences, Ombudsman, National Commission on Indigenous People (NCIP) kung saan copy-furnished si Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 18, 2019, sinabi ng 3 leader ng Luzon IP na nabuksan ang kanilang mga mata nang mabasa nila sa online news site Politiko ang reklamo ng mga kasama­han nilang IP sa Agusan del Norte na nagsampa ng kasong adminitratibo at crimi­nal upang ipaglaban ang kanilang kanilang mga ancestral land sa Caraga region.

Ayon kina Rosita Bargaso, presidente ng Itogon Indigenous People’s Organization (IPPO), Municipal Councilor Romeo Pocding ng Indi­genous People’s Mandatory representantive, at Barangay Captain Eddie Amuasen ng Ampucao Village sa Itogon, Benguet, itinayo ang Philex Mining sa kanilang lupain na may aprubadong Cenrtificate of Ancentral Domain Title (CADT-ITO-0709-121) sa Bgy. Ampucao, Itogon, Benguet.

Matagal na umano nilang nirereklamo ang nakakalasong substance na itinatapon sa kanilang lupain na mula sa pagmimina ng mineral gold ore na dahilan para mawalan sila ng kabuhayan sa kanilang mga teritoryo.

Bagama’t nagbaba­yad umano ng taunang real property tax sa munisipyo ang Philex ay dedma naman ito sa nakapagkasunduang 1% royalty fees o IP share.

Inireklamo nila ang umano’y kawalan ng certification of Precondition ng Philex na isang tahasang paglabag sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA).

“It caused us all kinds of troubles and environment damages plus lost of our hun­ting and fishing grounds. And also planting of our agricultural pro­ducts for out tribes food supply. And yet our tribes get nothing from Philex mining operations,” sabi pa ni Bae Rosita Bargaso sa online news site Politiko.

Hiniling ng mga tri­bal leader na ipatigil ang operasyon ng Philex Mining bukod sa kanselasyon ng Mine­ral Production Sharing Agreement sa gobyeno.

Sinubukang kunin ang panig ng nasabing mining firm gayundin ang regional office ng MGB ar NCIP partikular sa NCIP Regional Director of CAR subalit walang tugon mula sa kanila. (Ben Serrano)