PhilHealth contribution ikonsulta sa mga OFW – Hontiveros

Hinikayat ni Senador Risa Hontiveros ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Health (DOH) na suriin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic At No. 11223 o Universal Health Care Law (UHCL).

Iminungkahi pa nito na konsultahin ang mga OFW sa muling pag-aaral sa

“Kailangan maging sensitibo ang pag-implement ng batas sa hinaing ng mga OFWs ngayong may COVID-19 pandemic,” ani Hontiveros.

Sa PhilHealth Circular No. 2019-1009, dinagdagan nito ang premium rate para sa mga OFW mula 2.75% ng kanilang buwanang suweldo sa 3% sa ilalim ng UHCL.

Ayon kay Hontiveros, dapat magsagawa ang PhilHealth at DOH ng konsultasyon sa mga OFW hinggil dito dahil sila naman ay isa sa mga sektor na labis na naapektuha ng COVID-19 pandemic.

“Ang dagdag na 3% ay napakalaking pasan, lalo pa at may kinakaharap tayong krisis ngayon. Marami sa ating mga OFW at kanilang pamilya ay kabilang sa mahihirap at bulnerableng sektor bago pa man ang krisis sa COVID-19,” sabi ni Hontiveros.

“Dapat magkaroon ng sapat na konsultasyon sa kanila. Dapat may kinatawan sa bawat uri ng overseas worker kasi hindi naman pare-pareho ang sitwasyon nila. At dapat isama sila sa pagdedesisyon ng panukalang ito,” mungkahi pa ng senador.

Samantala, sinabi ni Quezon Rep. Angelina Tan na magsasagawa ng oversight hearing ang Kongreso para talakayin ang mga isyung inangalan ng mga OFW sa PhilHealth contribution.

Ayon kay Tan, chairperson ng House committee on health, nakikipag-ugnayan na siya sa tanggapan ni Senador Bong Go para sa oversight hearing upang baguhin ang contribution rate ng mga OFW sa PhilHealth. (Dindo Matining/Riz Dominguez)