PhilHealth sinisi: 300 private hospital magsasara

Nanganganib magsara ang lagpas 300 na pribadong ospital dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), maliban sa epekto ng COVID-19, isa rin sa rason ng maaaring pagsasara ng maliliit na ospital ang kabiguan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na maglabas ng insurance claim.

Dagdag ni PHAPI president Rustico Jimenez sa panayam sa TV5, may 744 na silang miyembrong ospital na nag-partial operation, kung saan emergency room na lang ang bukas.

“There are many factors. Number one, there are only a few patients going to non-COVID facilities because they are scared. Coupled with that is the much delayed payment from PhilHealth,” paliwanag ni Jimenez.

Ani Jimenez, mahalaga ang PhilHealth reimbursement para makapagpatuloy pa rin ng operasyon ang maliliit na ospital sa gitna ng pandemic.

Kamakailan lang ay nanawagan ang PHAPI kay Pangulong Rodrigo Duterte para palitan na si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa napakong pangako sa kanila ng PhilHealth at Department of Health (DOH).

Si Duque ay siya ring chairman ng PhilHealth. (Issa Santiago)