Philippine Red Cross patuloy sa pagtulong sa mga nangangailangan ng tubig

Tuloy-tuloy ang pagtulong ng Philippine Red Cross o PRC upang matugunan ang pa­ngangailangan ng mga ospital at residente na naapektuhan ng water supply shortage na sakop ng Manila Water; nagsimulang magpadala ng walong water tanker ang Red Cross simula noong Marso 11.

Mula March 19 naman, mahigit isang mil­yong litrong tubig na ang naipapamahagi ng PRC sa higit na 43,000 katao sa mga sumusunod na mga lugar, barangay, at ospital. Kasama rito ang Barangay Old Balara at Culiat sa Quezon City, Barangay Highway Hills sa Mandaluyong, Barangay Tumana at Nangka sa Marikina.

Ang mga ospital na natulungan ay ang Rizal Medical Center, Quirino Memorial Center, National Kidney and Transplant Institute, East Avenue, Mandaluyong Medical Center, at National Center for Mental Health.

Ayon kay PRC Chairman Sen. Richard Gordon, maaari silang makatulong sa pa­ngangailangan sa tubig sa mga ospital dahil sa kanilang mga water tanker na kayang maka-suplay sa high pressure water system.

Kasabay nito tiniyak ni Gordon na patuloy nilang tutulungan ang mga ospital at iba pang mga lugar hanggang sa maging maayos na ang nararanasang problema sa tubig sa NCR.

Nakapagpadala na rin ang PRC ng 12,000 litro ng tubig sa Philippine Health Office. Bukod dito, may lima na rin na portable toilets ang naipadala ng PRC sa Rizal Medical Center.