Philippine Republic Day mahalaga

Nagpaalala si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa mga Pilipino sa kabuluhan ng ‘pagkilala sa ating pagkabansa at pagkakaroon ng malalimang pagmamahal sa bayan’ kasabay ng paggigiit sa malaking ambag ng deklarasyon ng kauna-unahang malayang republika sa Asya sa Malolos, Bulacan sa pagdiriwang ng Philipine Republic Day bukas, ika-23 ng Enero.

“Madalas na nating makaligtaan ang yaman ng ating kasaysayan at ang halaga ng paggunita sa mahahalagang mga pangyayari sa ating kasaysayan. Ipinanalo natin ang isang mahirap na digmaan laban sa mga mananakop sa tarangkahan ng ika-20 siglo at nalikha ang kauna-unahang malayang estado ng Asya sa Bulacan.”

“Mahalagang maipagdiwang natin ang pangyayaring ito at maisapuso ang kabuluhan ng kalayaan, lalung-lalo na sa mga kabataan,” ayon sa mambabatas mula sa Mindanao.

Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ­Republic Act 11014, na nagdeklara sa ika-23 ng Enero bilang special working holiday sa buong bansa.

Dahil dito, iminungkahi ng senador na kailangang “pag-isipan ng husto NHC at DepEd ang malikhaing mga gawaing kakapit sa interes at pakikilahok ng publiko, sa gitna ng kalituhang dala ng mababaw na libangang kaakibat ng Internet Age.”