Nagpakilala agad ang Sta. Lucia Lady Realtors sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference nang walisin ang binayagang Marinerang Pilipina Lady Skippers 25-23, 25-22, 25-23 Sabado sa The Arena sa San Juan.
Kinapitan ng tropa ang pagbabalik-porma ni MJ Phillips na pumalo ng 22 points, sa likod ng 21 attacks, habang may tig-11 puntos naman na ambag sina Amanda Villanueva at Pam Lastimosa.
“We’ll take it, although hindi pa siya — sabihin natin — na perfect the team needs this win. It’s definitely a good start humbly we say it,” sabi ni coach Babes Castillo.
Naging mabagal ang simula ng laro para sa Lady Realtors bago umalagwa hanggang second set.
Nagawa pang manakot ng Lady Skippers sa third set nang makalamang 23-20 sa tatlong sunod na atake mula sa lefty hitter na si Caitlyn Viray pero hindi na-convert ng tropa ang momentum.
“Noong stretch na ‘yun ang sabi ko sa kanila perspective lang, sino bang lamang ng set? Tayo. Sino bang kanina? Tayo rin. I think kailangan bigyan mo lang sila ng perspective na kayo ang lamang,” dagdag nito. (Fergus Josue, Jr.)