PhilSports, PICC gagawing quarantine area – Galvez

Pinag-iisipan na ring gawing quarantine areas at isolation facilities ang Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay at ang PhilSports Arena (PSA) sa Pasig.

Ito ang sinabi kahapon ng bagong talagang National Policy Against COVID-19 chief implementer, Secretary Carlito Galvez Jr. para sa mga positibo sa coronavirus disease.

“Bumubuo po kami ng plano na i-convert ang PICC at PhilSports (dating Ultra), para maging quarantine areas, at saka for COVID-19 patients na less severe. So ganun po kasi ang ginagawa natin kasi we expect na kapag nagkaroon po tayo ng mass testing na sa mga susunod na araw,” anang opisyal.

“Kasi ang tinitingnan po strategic locations, Kasi itong PICC po at saka ang World Trade Center, malapit po sa PGH. We know that the PGH now is converted into a full COVID-19 dedicated hospital, So ang gagawin po natin diyan ay yung malapit diyan para malapit lang din po ang ating logistics,” hirit ni Galvez.

Naka-lockdown sa kasalukuyang ang PSA na nasa ilalim ng pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) matapos ideklara ng pangulo ang State of Public Health and Emergency. Nakakandado rin ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila na nasa pag-aari rin ng government sports agency.

May mga na-stranded na 30 athletes/coaches sa PhilSports na mga hindi nakakuha ng kanilang tiket para makauwi sa kanilang mga bansa at lalawigan matapos abutan ng Enhanced Community Quarantine magdadalawang linggo na ang nakararaan. (Lito Oredo)