Maraming nag-react na basketball at volleyball fans sa inihayag ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na dalhin sa maliit na venue ang dalawang events na ito sa pagdaraos dito sa bansa ng SEA Games sa Nov. 30-Dec. 11.
May halong panghihinayang at pagkainis ang karamihan sa reaksiyon nila!
Kesyo bakit daw sa San Juan Arena na ang seating capacity ay 5,500 gaganapin ang pinakapaboritong laro ng mga Pilipino.
Sa obserbasyon ng Isport Lang, tama sila.
Bakit hindi nga naman sa Araneta Coliseum o sa Mall of Asia Arena (MOA) dalhin ang larong paborito nila nang marami ang makapanood.
Pero may paliwanag naman si PHISGOC co-chairman Tats Suzara na pinilit naman nilang sa Big Dome na may 25,000-seater o sa MOA na may 16,000 seating capacity ilagay ang basketball at volleyball.
Kaya lang ay may nauna na sa kanilang nagpa-reserve at ang ibinibigay lang daw sa kanila ay hanggang apat na araw lamang gayung ang basketball ay tatagal ng halos isang linggo.
Siyempre kabilang sa disappointed sa pangyayaring ito ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at pati na rin ang volleyball.
Sinabi ni SBP executive director Sonny Barrios, walang dudang dudumugin ng fans ang basketball lalo na kapag ipinasya ng PBA na ang mga player nito ang ipanlaban.
May punto rin si Barrios sa kanyang obserbasyon na maaaring na-overlook ng PHISGOC na magpa-reserve nang maaga sa Big Dome at MOA dahil sa mga petsang nabanggit lalo na at holiday season ay talagang kaliwa’t kanan na ang activities sa dalawang venues.
Kaya doon sa mga sinisisi ang SBP, nagkakamali po kayo ng “kinakahulan”!
Wala silang kasalanan at ang dapat n’yong pagbuntunan ay ang PHISGOC.
Kaya doon sa mga fan, huwag na kayong umasa pa dahil kahit na ano’ng gawing apela o pakiusap ng PHISGOC sa Araneta Coliseum at MOA management, hindi na nila mababago pa ang kanilang schedule.
Tandaan na ang bawat magpa-reserve ay may kontratang nilalagdaan at kapag hindi nasunod ang nakasaad dito, sila naman ang mapuputukan at malaking problema ‘yan.