Pinasisiyasat na ni Senador Leila de Lima sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang diumano’y mga iregularidad sa pag-host ng Pilipinas sa katatapos lang na 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Inihain ni De Lima ang Senate Resolution No. 274 para imbestigahan ng Senate Committee on Sports na pinamumunuan ni Senador Bong Go ang mga napaulat na gusot sa Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) na nakaapekto sa pagdaraos ng sports event sa bansa.
Ang Phisgoc ay pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano.
“The reports on organizational problems surrounding our preparation betrays a political dynamic that could translate to even greater problems in our sports programs in the future,” ani De Lima.
Bago pa man ang pormal na pagsisimula ng SEA Games noong Nobyembre 30 ay nagkaroon ng mga aberya sa pagdating ng mga atleta.
Kabilang dito ang problema sa transportation at accommodation sa mga atleta ng Myanmar, Timor-Leste at Cambodia; accreditation issue at kakulangan ng Halal food para sa Singapore delegation at media accreditation ID.
Naantala rin ang pagpapagawa ng ilang sports venue tulad ng Rizal Memorial Sports Complex at sa New Clark City sa Tarlac.
Kinondena rin ng ilang volunteer ang kawalan ng sistema at koordinasyon na nagresulta sa pagkaantala rin ng kanilang accreditation ID at uniform.
Pinaiimbestigahan din ni De Lima ang nakakalulang P55 milyong cauldron o ‘kaldero’ sa New Clark City. (Dindo Matining)