Binigyan ng ultimatum ni Senador Bong Go si Speaker Alan Peter Cayetano para ayusin nito ang pagpapatakbo sa 30th Southeast Asian (SEA) Games o mananagot kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Let me remind everyone that you will be answerable to the President and most especially to the Filipino people,” sabi ni Go sa privilege speech nito sa Senado kahapon.
Sinabi ng senador na hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) para matugunan ang dumaraming reklamo ng mga atleta mula sa Cambodia, Myanmar, Timor-Leste, at Thailand at maging sa mga atletang Pilipino hinggil sa palpak na paghahanda sa SEA Games.
“Huwag po nating hayaan na pumalpak ito. There is a right time for everything. Huwag tayong magturuan ngayon. But after the games, papanagutin natin ang dapat na managot,” sabi ni Go.
Kinuwestyon ni Go kung bakit 90 porsiyento lamang ang inabot sa ginawang paghahanda ng Phisgoc hanggang noong Oktubre 30 o isang buwan na lamang bago magsimula ang SEA Games.
“Bakit nangyari ang mga ganito? Hindi ito madadaan sa apology lamang. Ang kailangan ay gisingin lahat. Huwag papatay-patay. Anim na araw na lang po at opening na… kaya dapat maayos na ito,” said Go.
Dagdag pa ng senador na binigay naman lahat ng kakailanganing pondo para sa pagho-host ng SEA Games.
“Ang Office of the President, Senate, at Congress, nagbigay ng lahat na kakailanganing pondo at suporta para sa hosting kung kaya walang rason para sabihin na hindi tayo handa,” ani Go.
Binigyang-diin nito na Phisgoc ang pangunahing may responsibilidad sa pagpaplano at aktuwal na paghahanda, pag-organisa, pangangasiwa sa SEA Games.