Umabot na sa 450 aftershock ang naitala sa Mindanao matapos ang 6.9 magnitude quake na tumama sa Matanao, Davao del Sur at marami pang aftershock ang maaaring maramdaman sa loob ng susunod na 3 araw subalit mas magiging mahina na ito.

Ayon sa Philippine Institute Volcanology and Seismology (Phivolcs) maliban sa mga aftershock ay pinag-ii­ngat ang mga residente sa posible pang dagdag na pinsala dahil sa nakakaramdam pa rin ng bahagyang malalakas na mga aftershock.

Inaalam pa ng Phivolcs kung magkadugtong ang nangyaring lindol noong Oktubre at ang huling pagyanig dahil sa inisyal na report ng ahensiya, ang 6.9 quake ay sanhi ng Tangbulan Fault, Digos Fault at Makilala-Malungon Fault.

Sinabi ni Phivolcs Senior Science Research Specialist Dr. Rommel Grutas na ang gumalaw na Tangbulan Fault ay may kapasidad na hanggang 7.2 magnitude quake.

Hindi naman inaalis ng Phivolcs na may kasunod pa ang lindol lalo at aktibo ang faultline sa lugar. (Tina Mendoza)