Nagbabala kahapon ang grupo ng mga human rights lawyers na tuluyang magigiba at babagsak ang buong bansa kapag ipinatupad ang nationwide martial law.
Sa isang manifesto, sinabi ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na mismong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nagiging instrumento upang unti-unting bumagsak ang Pilipinas dahil sa pananakot sa publiko bunsod ng patuloy na terorismo, walang humpay na extra judicial killing, pag-atake sa mga constitutional bodies at panggigipit sa mga kritiko ng administrasyon.
Kapag idinekra umano ng Pangulo ang martial law, posibleng maging hudyat ito ng mas malalaking kilos protesta at pagrerebelde ng mga mamamayan na hindi magdudulot ng magandang imahe sa bansa.
Nauna nang sinabi ni national security adviser Hermogenes Esperon na ang pagdedeklara ng Pangulong Duterte ng nationwide martial law ang posibleng maging tugon nito kapag nagpatuloy ang malawakang protesta sa Setyembre 21.
Idineklara ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law noong Setyembre 21, 1974 bunsod ng tumataas na krimen at mga protesta ng mga radikal na grupo sa bansa.
Gayunman, hindi natinag ang mga militanteng grupo sa banta ni Duterte at nanindigang lalabas sila sa mga kalye sa Setyembre 21 upang magdaos ng mga kilos-protesta.
Samantala, ang NUPL ay isang human rights organization na binubuo ng halos 500 miyembro na kinabibilangan ng mga abogado, law students at mga paralegal mula sa 20 chapters sa bupng bansa.
Sa kanilang ika-10 taong anibersaryo kamakailan, pumirma sila sa isang manifesto na kinukondena ang serye ng mga patayan sa bansa, bantang deklarasyon ng martial law at pagpapatahimik sa mga institusyong nagbabantay sa accountability ng gobyerno.
Nilagdaan ang manifesto nina dating partylist at present current NUPL chairperson Representative Neri J. Colmenares, NUPL President Atty. Edre U. Olalia at Secretary General Atty. Ephraim B. Cortez.
Binatikos ni Colmenares ang umano’y pagiging anti-poor na kampanya ng administrasyon sa giyera nito sa iligal na droga dahil karamihan aniya sa mga napapatay dito ay mga mahihirap.
Ang kalupitan umano ng administrasyong Duterte ang magtutulak upang lalong maghimagsik ang mga mamamayan at lumaban sa aniya’y hindi makataong pagresolba sa mga problema sa bansa.