Positibo ang Philippine dragon boat team na mabibitbit ang matikas ding porma sa 2016 Asian Championship sa Nobyembre 11-12 sa Puerto Princesa City.

Kakasagwan lamang ng Filipino paddlers ng three-gold, one-silver, at two-bronze medals sa International Canoe Federation (ICF) Dragon Boat World Championships noong Setyembre 8-11 sa Moscow, Russia.

Kahit Asian level tournament lang, binanggit kahapon ni Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) president Jonnee Go na kailangan pa ring magpakita ng gilas ang bansa laban sa mga tigasin ding dragon boat teams sa kontinente.

“Asian countries are very tough competitors too, when it comes to dragon boat,” sabi ni Go sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate sa Manila.
Aktwal na two-in-one competition ito dahil may International Club Crew Championships din sa pangalawang araw.

“Malaking bagay ito para sa dragon boat and sa tourism na rin natin. We just want to showcase how good Filipinos are in paddling sports,” hirit ni Go sa pabalitaktakan kasama sina coaches Leonora ‘Len’ Escollante at Diomedes Manalo, at ang ilang team members na buhat sa Russia.

Dinagdag ni Go na tinalo ng bansa sa bidding ang Malaysia at Iran para sa dragon boat fest. Kumpirmado na mga kalahok dito ang mga first-timer tulad ng India, Iran, Singapore, Indonesia, Malaysia, Brunei, Thailand, Taiwan, Hong Kong, at China.

Tapos ng Asian meet, sunod na sasabakan ng Pinoy paddlers ang Southeast Asian Dragon Boat Championships 2017 dahil sa pagkabaklas ng sport sa Kuala Lumpur Southeast Asian Games.

“Walang water sports kasi sa next SEA Games, kaya the different federations are just planning to have our own competitions by next year,” usal ni Escollante. “After the Asian Championships, saka namin malalaman kung saan at ­kailan ito.”