PHL jins sisipa na

Handa nang sumabak sa giyera ang 12-man Philippine national taekwondo team sa four-day event ng 29th Southeast Asian Games umpisa ngayon sa KL Convention Center sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Unang dedepensa sa poomsae sina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr. sa men’s team event. Sasabak din si Reyes sa individual event.

Naka-bronze sa Singapore SEAG sina Jocelyn Ninobla, Juvenille Faye Crisostomo at Rinna Babanto, may silver pa doon si Babanto sa indivi­dual event.

Sa kyorugi individual­ event, si 2015 SEAG featherweight champion­ Samuel Morrison ay kakampanya na sa mas mababang lightweight (74kg) category.

Nasa team din sina Arven Alcantara (68kg) at Pauline Lopez (lightweight).

Sa Lunes papagitna si Rhezie Aragon (53kg), kinabukasan si 2017 SEA Games flag bearer Kirstie Elaine Alora (73kg) at Francis Aaron Agojo (58kg).

Samantala, dalawang gold din ang target ng six-man judo squad sa umpisa ng kampanya ngayon.

Hahabulin ni Kiyomi Watanabe (63kg) ang third straight gold medal niya sa apat na SEAG appearances. Nasa team sina Fil-Japanese Kohei Ko­hagura (81kg) at ang kambal na sina Kensei (73kg) at Shugen (66kg) Nakano sa men;s at Mariya Takahasi (70kg) sa women’s.

Pang-anim sa team si homegrown talent Syndey Sy Tancontian (78kg).