Sumandal ang Philippine Mighty Sports sa nakakangilong atake sa third quarter para gawing panlimang biktima ang India, 101-81, sa Jones Cup sa Xinzhuang Gym sa New Taipei City, Taiwan kahapon.
Sunod na makakasalpukan ng PHL representative ang powerhouse Iran mamayang alas-tres ng hapon sa parehong venue.
Malinis sa limang laro, kapag nalaktawan ng PHL-Mighty ang Iranians at ang Egypt sa Sabado ay posible nang iuwi ang titulo.
Ang may pinakamaraming panalo sa nine-team tournament ang itatanghal na kampeon. Huling asignatura ng PHL ang Chinese-Taipei B sa Linggo.
Nabangasan ang Iran nang gulantangin ng Korea, 67-50, noong Martes. Sa 3-1 ng Iranians, kapag dinaig sila ng team ni coach Bo Perasol ay mapapasakamay na ng PHL-Mighty ang korona.
Huling nanalo ang Pilipinas sa torneo noong 2012 nang ang Gilas national squad ang ipadala.
Dikdikan pa sa first two quarters, pero pagbalik mula sa break ay rumatsada ang PHL-Mighty ng 20-4 run at mula sa pagkakabuhol sa 48-48 sa half ay lumayo, 68-52, bago isinara ang third quarter sa isa pang 11-4 blitz tungo sa 79-59 lead papasok ng fourth.
Pinangunahan ng 30 points ni Al Thornton ang PHL-Mighty, may 21 pa si Dewarick Spencer.
Scores:
PHL-Mighty Sports 101 — Thornton 30, Spencer 21, Macklin 14, Singletary 10, N’Diaye 8, Graham 5, Teng 4, Rodriguez 4, Ferrer 3, Brickman 2, Tang 0.
India 81 — Amritpal 18, Amjyot 15, Bhullar 15, Arumugam 8, Talwinderjit 8, Philip 8, Sivakumar 4, Pari 3, Pethani 2, Annadurai 0, Bhardwaj 0.
Quarters: 23-27, 48-48, 79-59, 101-81.