Itataas sa araw na ito ng men’s water polo squad ang kurtina sa kampanya ng Pilipinas sa 29th Southeast Asian Games kontra Thailand sa National Aquatic Center sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Alas-11:00 ng umaga ang hambalusan ng Filipinos at Thais. Pakay ng Pinoys na lampasan ang silver medal finish sa 2011 Indonesia SEA Games.

Pero parang pag-akyat sa bundok ang nakaabang sa mga PHL team, sasalang laban sa 2015 Singapore SEAG bronze medalist Thais.

“We have to be ready. It’s going to be a very challenging campaign,” komento kahapon ni assistant coach Dale Evangelista, ang skipper ng squad na nabulilyaso ng Singapore sa gold-medal match noong 2011.

Nag-training pa ang mga Pinoy sa Barcelona, Spain para sa edisyon ngayong taon ng biennial meet na lalahukan ng 11 bansa. Tigasin sa laro ang Singaporeans at Indonesians.

Team skipper na si Tain Gomez kasama sina Abnel Amiladjid, Adan Gonzales, Frazier Alamara, Juan Paolo Serrano, Macgyver Reyes, Mark Jerwin Valdez, Matthew Royse Yu, Mico Anota, Mummar Alamara, Reynaldo Salonga Jr., Romark Johnson Belo at Tedoro Caneta.