Nanganganib nang mag-exit nang maaga sa 29th SEAG ang Philippine men’s football team matapos ilampaso ng Vietnam 4-0 Linggo ng gabi sa Shah Ahlam Stadium sa Kuala Lumpur.
Hindi gumana ang depensa ng National Under-22 squad, nalasap ang pangalawang sunod na talo sa torneo.
Nang malusutan ni Nguyen Phuong ang PHL defense para umiskor sa 37th minute, tuluyan nang gumuho ang mga bataan ni coach Marlon Maro.
Nadoble ang hinahabol ng Filipinos nang makaiskor din si Vu Van Thanh bago natapos ang first half.
Dinagdagan ni Van Toan ang kalbaryo ng PHL squad nang pahalikin din ang bola sa net sa 50th, hindi pa doon natapos ang Vietnamese dahil isa pang pambaon na goal ang sinipa ni Ho Tuan Tai bago natapos ang match.
Lumalayo na ang tsansang makahabol sa semis, haharapin ng Filipinos ang defending champion Thailand (2-0) bukas ng alas-kuwatro ng hapon sa MP Selayang Stadium.
Babalik naman mamayang 8:45 p.m. sa UM Arena sa Petaling Jaya ang national women’s squad para harapin ang Myanmar. Galing ang Filipinas sa 3-0 loss sa Vietnam.