Phoenix, Alas papalagan ng Ginebra

Laro ngayon:
(Cagayan de Oro)
5 pm – Phoenix vs. Ginebra

Mga laro bukas: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – NorthPort vs. TNT
6:45 pm – Magnolia vs. SMB

Hindi puwedeng tutulog-tulog ang Phoenix kahit sasampu lang ang Ginebra na haharapin nila sa Petron Saturday Special ng PBA Governors’ Cup sa Cagayan de Oro.

Nasa unahan ng pulutong ang Fuel Masters sa 5-1, kabuntot lang nila ang Blackwater at Gin Kings na magkabuhol sa 4-1.

Iba ang format ng season-ending conference, kailangan ng maraming panalo dahil pagkatapos ng 11-game eliminations ay twice-to-beat ang top 4 teams laban sa 5th-8th.

Injured sina Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Sol Mercado, Jervy Cruz, Art dela Cruz at Julian Sargent pero nagawang itumba ng Gins ang San Miguel Beer 110-102 noong Sept. 23, parehong araw na sinagasaan ng Phoenix ang Magnolia 95-82.

Sasakyan ng Fuel Masters ang momentum ng three-game winning run laban sa crowd favorites.

Alam ni coach Louie Alas na kahit lilima ang nakatayong players ni Tim Cone, lalaban pa rin.

“They are shorthan­ded but Ginebra is Ginebra,” giit ni Alas. “They’re a next-man-up team. Kapag merong player na wala sa kanila, the next man steps up. Kahit lilima lang natira sa lineup nyan, they would come out and compete.”

Next-man-up ng Gins kontra Beermen sina Aljon Mariano at Prince Caperal na rumesponde kay Justin Brownlee, pati ang galing injury ding si Joe Devance.

Isa pang paghahandaan ng Fuel Masters ang out-of-town crowd ng Ginebra.

Umaasa si Cone na magpapakita ang kanilang sixth man sa Xavier University Gym para paypayan ang Ne­ver-Say-Die spirit ng team.

“We’re hoping we can use our out-of-twon Ginebra crowd to propel us to a victory,” wika ng tactician. “Greg, Japeth and Sol are still out, so others will have to step up.”