PHOENIX KUMALAS SA OT

Kinaliwa na ni Gwan-Hee Lee (5) ng Phoenix ang drive pero bahagya pa ring inabot ni Enrico Villanueva ng NLEX. Tinalo ng Fuel Masters ang Road Warriors sa overtime 95-91. (Jhay Jalbuna)

Laro ngayon (Ibalong Centrum, Legazpi City)
5:00 p.m. — Rain or Shine vs. GlobalPort

Sa unang 36 minutes ay nasa trangko ang Phoenix­, nag-relax sa final 12 at nangailangan ng extra 5 minute­s bago tuluyang naipagpag ang NLEX, 95-91, sa PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Nagsumite ng 29 points ni Eugene Phelps, nag-ambag si Cyrus Baguio ng 10 at umangat ang Fuel Masters sa 3-4, pinalitan sa dating puwesto ang Road Warriors na nahila pababa sa 3-5.

“We played their game, that’s why it’s very close,” wika ni Phoenix coach Ariel Vanguardia. “We fell into that trap, we couldn’t get our running game.”

Sa unang laro, parang makina na bagong palit ng langis ang Mahindra nang patumbahin ang dating unbeaten TNT KaTropa, 107-104, sa likod ng 24 points ni James White.

Ipinagdiinan ng Enforcer na hindi tsamba ang mga unang panalo at lehitimo na silang kontender matapos solohin ang No. 2 nang umangat sa 6-2 sa likod ng biktima na naputulan ng six-game winning streak.

May sahog pang 10 rebounds, tig-three blocks at assists at two steals si White. Matikas ang suporta ng bench ng Enforcer, humugot ng double-digit scoring kina Paolo Taha (15), KG Canaleta (13), LA Revilla (12) at Michael Digregorio (11).

First time sa franchise history ay nakasiguro na ng puwesto sa quarterfinals ang Mahindra, tulad din ng TNT na hindi naisalba ng 33 points ni Jayson Castro — 16 dito sa fightback ng KaTropa sa fourth quarter.