Sinandigan ng Phoenix Pulse Fuel Masters ang isang tres ni Matthew Wright at tatlong sunod na puntos ni Jason Perkins sa huling dalawang minuto upang siguruhin ang unang silya sa quarterfinals sa pagbigo sa nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer 96-93 sa Panabo Multi-Purpose Tourism, Sports and Cultural Center sa Panabo City.

Isinalpak ni Wright ang isang tres sa 1:57 minuto ng laro upang basagin ang huling pagtatabla sa 90-all at ibigay sa Fuel Maters ang 93-90 abante bago sinundan ni Perkins ng isang jumper sa 39.6 segundo ng laro.

Huling lumapit ang Beermen sa isang tres ni Arwind Santos sa natitirang 28.6 ng laro bago na lamang napuwersa sa isang turnover ang kakampi nitong si Alex cabagnot na naging sanhi upang maputol ang apat na sunod na panalo ng mga Beermen.

Napaganda ng Fuel­masters ang kartada nito sa kabuuang 9-2 panalo-talong kartada at nakamit ang mithiin nito na manguna sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa sa liga.

Itinala ng Fuelmasters ang 14 puntos na abante sa pagtatapos ng unang yugto sa 33-19 sa pagtutulungan nina Matthew Wright, Alex Mallari at Justine Chua.