Phoenix nagbigay ng PPE, relief package sa San Juan

Naglaan ang buong team ng Phoenix Super LPG ng ayuda para sa local government units sa panahon ng pananalanta ng coronavirus disease pandemic.

Mula sa players hanggang coaching staff, nag-donate ang Fuel Masters ng bahagi ng kanilang suweldo ngayong buwan ng April para pambili ng relief packages at personal protective equipment.

Nasa mga larawang pinadala ng Phoenix ang kaban-kabang bigas at kahon-kahon ng canned goods na ni-repack para ipamigay.

“It’s just our team’s small way of helping frontliners and the public fight against COVID-19,” ani Phoenix team manager Paolo Bugia.

Miyerkoles sa San Juan namahagi ng relief packages ang Fuel Masters sa pamamagitan ni mayor Francis Zamora.

Dati ring basketball player si mayor Zamora, naglaro sa De La Salle at kasama ng Green Archers na nanalo ng back-to-back titles sa UAAP noong 1998-99 sa ilalim ni coach Franz Pumaren.

Nakapaglaro rin ang 6-foot-5 center sa Welcoat at Blu Detergent sa dating PBL.

Nitong weekend nag-donate din ng PPEs ang Fuel Masters sa Pasig City. (Vladi Eduarte)