Babawasan ng Phoenix Petroleum Inc. ng P1.55 per liter ang presyo ng gasolina at 50 sentimos ang presyo ng diesel ngayong alas-sais nang umaga, dala ng pagkalma ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, sabi ng kompanya kahapon.
Nasa P1.40 per liter naman ang nakikinitang pagbaba ng presyo ng gasolina ng Unioil sa darating na linggo at 70 sentimos naman ang tatapyasin sa presyo ng diesel.
Naranasan nu’ng nakaraang linggo ang pinakamalaking pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagpapasabog sa ilang oil fields sa Saudi Arabia. Nasa P2.35 kada litro ang tinaas ng gasolina, P1.80 kada litro ang tinaas sa diesel, at P1.75 kada litro naman ang tinaas sa presyo ng kerosene.
Malaki rin ang itinaas ng presyo ng produktong petrolyo noong linggong nauna. Nasa P1.35 ang iminahal ng litro ng gasolina noon, piso sa litro ng kerosene at 85 sentimos sa diesel nu’ng Setyembre 17.
Maraming sector ang nagduda sa biglang malaking pagtaas ng presyo ng mga oil companies nang may sumabog sa Saudi Arabia dahil mayroon naman silang imbentaryo at hindi naman pa dumarating ang krudo na binili nu’ng linggo ng Setyembre 17. (Eileen Mencias)