Mga laro ngayon: (Sta. Rosa Multi-Purpose Complex)
4:30pm– Blackwater Elite vs NLEX Road Warriors
6:45pm– Alaska Aces vs San Miguel Beer

NAGTALA si Eugene Phelps ng triple-double upang itulak ang Phoenix Pulse Fuel Masters sa una nitong panalo matapos biguin ang Barangay Ginebra, 103-101, sa eliminasyon ng 2019 PBA Governors Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kinolekta ni Phelps ang kabuuang 27 puntos, 23 rebounds, 11 assists, 1 steal at 3 blocks bagaman sinandigan ng Phoenix si Matthew Wright sa huling limang segundo sa kanyang jumper upang itakas ang una nitong panalo sa loob ng tatlong laro.

Naagaw muna ni Justin Brownlee ang bola upang itabla ang laro sa 101-all sa huling 12 segundo matapos maghabol sa kabuuang 23 puntos sa laro.

Naghulog ng isang tres sa 1:14 minuto at lay-up sa ika-40 segundo sa laro para sa limang sunod na puntos si LA Tenorio na nagtulak sa Gin Kings sa apat na puntos na paghahabol,101-97.

Huli pa itong ibinaba ni Stanley Pringle sa 101-99, may 17 segundo na lamang sa oras.

Gayunman, hindi nabantayan ng Gin Kings si Wright, na may 28 puntos, 3 rebounds, 3 assists at 1 steal.

“Ginebra is a tough team, no lead is safe against them. It is a big accomplishment for us. We just want to forget this and get on to the next match,” sabi ni Wright.

Hindi pinalasap ng Fuel Masters ng kalamangan sa buong laro ang Gin Kings upang pigilan ang dalawang sunod na kabiguan at buhayin ang tsansa sa isang round lamang na torneo sa kabuuang 1-2 panalo-talong kartada.

Unang ibinuhos ng Gin Kings ang 13-7 atake sa ikatlong yugto para makalapit sa pitong puntos na lamang 55-62. (Lito Oredo)