Pia Cayetano inokray ng grupo ng kababaihan

Pinuna ng grupo ng kababaihan si Taguig City Rep. Pia Cayetano dahil sa pananahimik nito sa mga isyung nakakaapekto sa kababaihan.

Ayon sa Babaylanes Incorporated, ang pag­kabigo ni Cayetano na manindigan para sa kababaihan ay hindi katanggap-tanggap sa kanilang panig.

Ikinadismaya ng grupo ang pananahimik ni Cayetano dahil noong nakaraang administrasyon, nagpapakilala itong kampeon ng karapatan ng mga kababaihan matapos na isulong ang reproductive health bill sa Senado.

Subalit mula nang maupo sa Kamara, hindi na narinig ng grupo ang paninindigan ng mambabatas sa mga kababaihan.

Iginiit ni Sister Mary John Mananzan, isang feminist at Executive Director ng Institute of Women’s Studies ng St. Scholastica’s College, ang kahalagahan ng mga lider na “conscious at aware of feminism”.

“I think we should differentiate between education of women and conscientization of women. There’s a lot of educated women who do not have a women consciousness. It’s not even alright just to vote for women; these women we vote for should have a women consciousness or else they are worse than men,” sabi ni Mananzan.

Kabilang sa mga isyu sanang dapat manindigan ni Cayetano ay ang catcalling, rape joke at ang derogatory comment laban sa mga kababaihan.

Ngayong ipinagdiriwang ang Women’s Month, binanggit ng grupo na hindi dapat kalimutan ng mga kandidato, tulad ni Cayetano, na ipaglaban ang karapatan ng kanilang kabaro.

Sinikap ng Tonite na hingan ng reaksyon si Cayetano subalit hindi ito makontak sa cellphone.