Pia, Imee nagtarayan sa tax bill

Nagbanggaan ang kapwa pro-administration na sina Senador Pia Cayetano at Imee Marcos matapos talakayin ng huli sa isang pagdinig ang panukalang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA).

Sa sesyon ng Senado, kinuwesti­yon ni Cayetano kung bakit dininig pa ni ­Marcos, chairmperson ng Senate committee on economic affairs, ang naturang isyu gayong ­nagawa na niya ito noon sa kanyang ­committee on ways and means.

“So I would just like to pose my question to the body and ask that, if a subject ­matter is already taken up on the floor, have we changed our rules?” tanong ni Cayetano.

“Are we allowed to have another committee conduct a hearing on exactly the same subject matter in another hearing without even informing the chair, even on a personal level?” punto pa nito.

Depensa naman ni Marcos, ang isyu ng CITI­RA ay bahagi lang sa ginawa nilang pagdinig kasama ang masamang epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng bansa at ang isyu ng pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Gayunpaman, wala umano siyang intensiyon na bastusin o i-overlap ang naunang pagdinig na ginawa ng komite ni Cayetano.

Paliwanag ni Marcos, nais lang umano niyang marinig ang ilang sektor na magdurusa kapag nalugi ang export at manufacturing sector.

Matapos naman magbigay ng kanilang opinyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Francis Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Richard Gordon at Sen. Joel Villanueva sa isyu ng overlapping sa pagdinig, bandang huli’y humingi ng paumanhin si Marcos kay Cayetano.

Tinanggap naman ni Cayetano ang paumanhin subalit iginiit nitong dapat pa ring resolbabahin ang ‘jurisdictional issue’ sa nasabing usapin.

Ang CITIRA ang pangalawang package ng tax reform program ng administrasyong Duterte. Layon ng panukala na bawasan ang corporate income tax na mula sa 30% ay gagawing 20%.

Tutol si Marcos sa ilang probisyon ng panukala at nais nitong ipagpaliban muna ang pag-apruba sa CITIRA.

Sinertipikahan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent bill sa kanyang liham kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III noong Marso 9. (Dindo Mati­ning/Prince Golez/JC Cahinhinan)