Hindi na magkatabi sa upuan sa Senado ang kapwa pro-administration na sina Senador Pia Cayetano at Sen. Imee Marcos matapos magtarayan noong Lunes sa isyu ng panukalang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA).
Ayon sa source ng Tonite, nagdesisyon na si Marcos na lumipat ng upuan kung saan nagpalit sila ng kapartido sa Nacionalista Party (NP) na si Senador Cynthia Villar.
“Kinausap ni Sen. Imee si CAV (Cynthia Aguilar Villar) at nag-request na kung maaari magpalitan na lang sila ng upuan. So ang nangyari, nasa gitna nina Pia and Imee si CAV,” ayon sa source na hindi nagpabanggit na pangalan.
“Hindi naman daw kinakausap ni Pia si Imee kaya nag-decide na lang si Imee na lang lumipat at pumayag naman si CAV,” dagdag pa ng source.
Pawang miyembro ng NP ang tatlong senador.
Sabi pa ng source, kahit na nag-sorry na si Marcos kay Cayetano sa isyu ng overlapping sa pagdinig sa isyu ng CITIRA bill, hindi pa rin umano maka-move on ang kapatid ni House Speaker Alan Peter Cayetano. (Dindo Matining)