Picacho tumukod sa PHILRACOM-RBHS

Pera na naging bato pa para sa mga nakataya sa liyamadong si Picacho sa PHILRACOM-RBHS Race nitong Linggo ng hapon sa Metro Manila Turf Club, Inc. sa Malvar-Tanauan City, Batangas.

Ilang hakbang na lang, abante si Picacho ng apat na kabayo sa huling 150 meter ng karera. Pero dahil sa pagod ay nanghina ito at naungusan pa ng dehadong si Shadow Jane.

“Naglalakad na kaya sabi ko kahit malayo pa ay lalampas kami,” masa­yang sabi ni class B rider BD Fulgencio, hinete ng nanalong si Shadow Jane.

Nirehistro ni Shadow Jane ang 1:29.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang sikwatin ang karagdagang P10,000 premyo para sa may-ari ng winning horse.

Sumegundo si Picacho, tersero si Born Unto Battle habang pang-apat si Peregrino sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.

Samantala, buong tapang na sina­laksak sa gitna ni jockey Christian Pilapil si Summer Cruise upang masilo ang panalo sa Condition Race Category 17 na nilarga sa Race 2.

Swak si Summer Cruise sa pagitan nina King Curry at Samantha’s Best, dumiretso hanggang tawirin ang meta na may anim na kabayo ang distansya.