Pichay sinampahan ng disqualification

Naghain ang isang dating congresswoman ng disqualification case laban kay Surigao del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay, sa pagsasabing pinagbawalan na siya ng Ombudsman na humawak pa ng anumang puwesto sa pamahalaan.

Sa kanyang petisyon na inihain noong Nob. 12, 2018 sa Commission on Elections (Comelec), sinabi ng dating mambabatas na si Mary Elizabeth Ty na nahatulang guilty si Pichay sa kasong grave misconduct ng Office of the Ombudsman noong Hunyo 11, 2011.

Nag-ugat ang desisyon sa iligal na paggamit ng pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na may kabuuang halaga na P780 milyon sa Express Savings Bank Inc., isang pribadong bangko na nasa ilalim ng pamamahala ng BSP.

Ang desisyon ay may kalakip na parusang dismissal, forfeiture ng lahat ng benepisyo at diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan.

Noong Hulyo 8, 2011, ipinatupad ng noo’y Executive Secretary Paquito Ochoa ang kautusan ng Ombudsman na nag-aalis kay Pichay sa serbisyo.

Ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration ni Pichay noong Agosto 1, 2011 habang tinanggihan ng Court of Appeals ang kanyang petition for review noong Okt. 23, 2013. Nagsumite si Pichay ng motion for reconsi­deration, ngunit ito’y nabasura rin noong Peb. 24, 2014.

Matapos nito, naglabas ang Office of the Ombudsman ng direktiba sa Comelec noong Nob. 24, 2015, 1st Indorsement sa Comelec na may petsang Dec. 19, 2015 at 1st Indorsement sa House of Representatives na may petsang July 14, 2016 upang maipatupad ang desisyon at mapataw na ang parusang dismissal mula sa serbisyo laban kay Pichay.

Sa petisyon, hiniling din ni Ty sa Commission on Elections (Comelec) na kanselahin ang certificate of candicacy (COC) ni Pichay dahil naglalaman ito ng maling impormasyon at dapat ideklarang walang bisa.