Inabot ng isang oras ang pakikipaglaban kay kamatayan ng isang aircon technician makaraang pagsasaksakin ng kanyang boardmate matapos na maungkat umano ang dating away ng dalawa sa kanilang inuupahan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PO3 Virgilio Mendoza ng Cri­minal Investigation Detection Unit (CIDU), namatay habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na si Beverly Batoy y Tamorang, 45, single, ng 13-A.Rochester St., Brgy. San Roque, Quezon City.

Naaresto naman ang suspek na si John Clarete y Briz, 31, tubong Atimonan, boardmate ng biktima.

Ayon kay PO3 Mendoza, nangyari ang insidente dakong alas-8:35 ng gabi sa inuupahan ng biktima at suspek sa Rochester St., Brgy. San Roque.

Ayon sa saksing si Lito Pinca narinig na lang niya umanong nag-aaway ang dalawa hanggang sa bumunot ng balisong ang suspek at sinaksak ang biktima.

Sa imbestigasyon ni PO3 Mendoza, dating samaan ng loob ang dahilan nang pamamaslang.