Pila-balde

Bigyan ng proteksyon ang media

Marami ang nagulantang sa biglaang water interruption ng Maynilad at Manila Water. Marami ang hindi nakapag-ipon ng tubig dahil sa walang anunsyo ang dalawang water concessionaire. Kaya naman marami ngayon sa kababayan natin ang nakapila sa rasyon ng tubig bitbit ang kanilang balde at mas malalaking water can.

Mayaman man o mahirap, hagip ng krisis sa tubig. Katulad na lamang ng isang condomium sa tabi ng MRT station sa Quezon City, nakapila ang mga condo owner sa rasyong tubig ng Manila Water. Ang iba naman, inutusan na lang si Inday o ang kanilang boy para pumila at bitbitin ang balde paakyat sa kanilang unit.
May mga ulat ngang nagkaubusan din ng drum sa tindahan ng mga plastic product. Ang mga Pinoy nga naman, kung kailan may problema saka pa lang maghahagilap ng iimbakan ng tubig. At kung kailan pahirapan ang pagkuha ng tubig, doon pa nila naisipan bumili ng drum.

Sa Saudi Arabia, kahit napapalibutan sila ng malawak na disyerto, tuloy-tuloy ang supply ng tubig. Ito’y dahil sa mala­king investment nila sa seawater desalination. Kalahati ng supply nila ng inumang tubig ay nanggaling sa dagat sa pamamagitan ng pro­seso ng desalination.

Kaya nga nagtataka si Senador Grace Poe na kahit napapalibutan ng iba’t ibang body of water ang higit pitong libong isla sa Pilipinas, nagkakaroon pa rin tayo ng problema sa tubig tuwing panahon ng tag-init. At take note, hindi pa idinedeklara ng Pagasa na nagsi­mula na ang panahon ng summer.

Sabi nga ni Poe, ilang bagyo ang humahampas sa bansa kada taon pero ‘di natin lubusang napapakinabangan ang mga tubig na ibinabagsak nito. Panahon na aniya na magkaroon ng pagpaplano at proyekto para magamit ng lubusan ang mga tubig mula sa ulan kaya itinutulak nito ang pag­likha ng Water Regulatory Commission.

Enero pa sinabi ng Pagasa na babalik ang El Niño pheno­menon pero tila hindi ito pinaghandaan ng gobyerno. Sino nga ba ang ahensiyang dapat magsagawa ng paghahanda? Bukod sa Maynilad at Manila Water, responsibilidad din ng National Water Resource Board ang paglalatag ng polisiya sa pagtitipid ng tubig. Ilan sa dapat gawin ay rendahan ang mga shopping mall, mga golf course at private resort sa paggamit ng tubig.

Pero ayon sa Maynilad, hindi raw sila nagpapatupad ng water interruption dahil sa Angat Dam sila kumukuha ng supply ng tubig. At habang walang inuutos ang NWRB na bawasan ang supply ng tubig, normal pa rin ang daloy ng tubig sa kanilang mga kostumer. Sabi naman ng Manila Water, kulang talaga ang supply ng tubig. Ano ba talaga mga kuya?