Kinakailangan na magbaon ng mahaba- habang pasensiya at mag -adjust sa kanilang mga oras ang mga pasaherong sasakay sa Metro Rail Transit (MRT) dahil posibleng umabot sa 2-3 oras ang paghihintay para makasakay sa sandaling buksan na ang operasyon kapag naalis na ang enhanced Community Quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19.
Ayon kay Engr. Michael Capati, Director for Operation ng MRT 3, 13% o 51 lamang kada coach o bagon ang pasasakyan kada trip kaya aabot sa 2-3 oras ang hihintayin para makasakay ang pasahero kumpara sa dating 30 minuto travel time para marating ang destinasyon.
Gayundin, ang mga pasahero ay dadaan sa istriktong security measure bago sila payagan na makapasok sa mga istasyon at tanging tatlong pasahero lamang ang papayagan sa linya ng kada teller sa MRT terminal.
Naglagay na rin ng `markings’ sa loob ng tren kung saan ka lamang maaring tumayo o umupo para sa social distancing .
Kinakailangan na nakasuot ng facemask at idi- disinfect ang mga pasahero at hindi rin muna papayagan na makasakay ang mga senior citizen.(Juliet de Loza-Cudia)