Pilantropo, nang-iwan sa ere

new-blind-side-logo

Wala palang tibay na maaasahan sa isang pilantropo na madalas nagpapakita na sumusuporta, pero nagkukunwari lamang na nagmamahal sa popular na sport.

Dahil ‘di nakasama sa binubuong pambansang koponan ang mga papaangat at mahusay na mi­yembro ay bigla nitong iniwan sa ere ang pangakong tulong sa dapat na kampanya sa isang internasyonal na torneo.

Kaya naman nagkukumahog ang asosasyon na mapunan ang dapat na responsibilidad ng pilantropo sa gastusin at suporta sa lahat ng teknikalidad upang huwag lamang masuspinde ang kanilang samahan pati na rin ang bansa sa internasyonal na organisasyon.

Nagmukhang kawawa ang mga miyembro ng koponan na inaasahang susunod sa mga yapak ng kanilang iniidolo na national athletes tapos basta na lang iwanan, walang suporta at mapagkukunan ng tulong sakaling may maganap na insidente sa kanilang pagbiyahe at pagsabak sa torneo.

Isiniwalat sa BLIND SIDE ng isang opisyal na tapos na ‘di payagan ng kanilang mga eskuwelahan ang ilang miyembro ng koponan ay bigla na lang umatras ang pilantropo sa pagsuporta at hinayaan na solohin ng asosasyon ang pagkampanya sa natatanging imbitasyong pagsali na torneo.

Lumitaw ang tunay na motibo na ‘di pala pagtulong kundi habol lamang ay publisidad. (Lito Oredo)